Ipinapakita ang mga post na may etiketa na tagalog. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na tagalog. Ipakita ang lahat ng mga post

Huwebes, Hunyo 12, 2014

Layaan

Dahil nga't Araw ng Kasarinlan ngayon, heto ang isang tula.

LAYAAN

Darating ang araw at ako
naman ang lilisan
patungo sa

mga ibang pook at ikaw
naman ang maiiiwang
puno ng

Tanong na akin
namang sasagutin
pagka't di

ako katulad mo.

Marahi'y di
maaaring mangyaring
makalimot at

Akala lang
ay kayang burahin
ang alaala ng

Iyong sinabi, ginawa, sinabi, ipinaramdam,
ginawa, ipinaramdam,
sinabi, ginawa,
sinabi,
sinabi.

Subali't di
susuko sa oras na
subukin ang

Tiwala sa
totoong paniniwalang
tunay akong magiging

malaya ng wala ka.

Biyernes, Oktubre 12, 2012

Buntis

Unti-unti na ngang nakikita
Ng mundo
Ang totoo.

Una pa lang ay alam ko na.
Napagtatanto isang umaga.
Matapos magkape'y alam na nga
Naramdaman na ang unang sipa.

Masaya man sa naramdaman,
Pilit 'tong ikinubli sa isipan.
Takot mawalan ng kaibigan.
Mahal sa buha'y masasaktan.

Pagka't pagtanggap nito'y may kakambal:
Hinagpis sa mga pusong hangal.
'Di naman alam kung ito'y tatagal.
'Di naman alam kung ito'y pagmamahal.

Nguni't hanggang kailan ba itatago?
Alam na nga naman ang totoo.
Kahihinatna'y 'di na rin bago:
Lahat ay tiyak na uuwing bigo.

Una pa lang ay alam ko na.
Baka sadya lang nakatadhana.
Pilit mang baguhi'y wala na.
Pilit mang itago'y huli na.

Ngayo'y di na alam kung pa'no tatapusin
Gusto man ang atensyon mo'y di maaring hingin.
Nawa'y kahit paliham ako'y iyong dinggin:
Ako ba'y sadyang kaya mong mahalin?

Dahil pabulaanan ma'y 'di na maitatanggi,
Bumibilog na damdami'y di mo rin naman masisi.
Narito na nga'ng ebidensya, eto na'ng saksi:
Ginusto't inibig ka na yata, kahit ito'y mali.

Unti-unti na ngang nakikita
Ng mundo
Ang totoo.


Lunes, Hulyo 30, 2012

Delubyo

Paisa-isa
kung bumagsak
ang mga patak.

Parami sila ng parami,
tulad ng mga naiwang alaalang
magulo, masaya, magulo, masaya, magulo, masaya.

At tila palakas pa nga ng palakas
ang taghoy ng pighating pilit itinago sa sarili
at sa kanila, at sa mundo, at sa iyo.

Sadya ngang bumabagyo na at malakas na'ng hampas ng hangin.
Boses ko ay mistulang kulog na maingay ma'y walang naiparating.
Hanggang kailan ko ikukubli at hanggang kailan mo ipagwawalang-bahala?
Ang mensahe'y naisigaw na nguni't di ka pa rin naniniwala.

Ngayon ikaw ay lumipad patungo sa bisig ng iba.
Kapalit mo'y si Gener na para sa aki'y lumuluha
'pagkat mata ko'y tuyo, puso ma'y sugatan.


Tila nakikiayon ang lamig ng panahon
Sa delubyong dala na nga
Ng paglisan mo dito.


Makikita kang muli.
Mensahe'y tandaan:
Mahal...


(c) 2012